Kinalampag ng 103 indibidwal, religious at civil society groups ang Korte Suprema at Department of Justice (DOJ) para kaagad aksyunan ng mga ito ang anila’y arbitrary arrests, detentions, at extra-judicial killings sa mga human rights advocates at kritiko ng Duterte administration.

Ito ang laman ng kanilang epla sa liham na ipinadala kina Chief Justice Alexander Gesmundo at DOJ Secretary Menardo Guevarra.

Partikular na hinihiling nilang ideklarang unconstitutional ang Anti-Terrorism Act (ATA) na anila’y dahilan nang EJKs, pag-aresto at pagkakakulong ng mga taong biktima ng red-tagging ng ilang opisyal ng pamahalaan.

Nabatid na sa ngayon ay wala pang resolution ang Korte Suprema sa 37 petisyon na kumukuwestiyon sa constitutionality ng ATA.

Ayon sa iba’t ibang grupo na ito, kailangan i-review at i-revise ng Supreme Court sa patakaran sa pagsisilbi ng search warrants at arrest warrants laban sa mga human right defenders, na ginagamit para i-harass at ikulong ang mga ito.

Bukod dito, ipinasisilip din nila ang patakaran sa writs of amparo at habeas data para matiyak na mabibigyan ng timely, relevant at comprehensive legal protection ang mga human rights defenders.

Para naman sa DOJ, hiniling ng mga grupo na magkaroon ng “promp, thorough, independent at impartial” na imbestigasyon sa pagpatay, pag-aresto, pagkulong at iba pang uri ng persecution sa mga human rights defenders para mapanagot din ang mga nasa likod ng mga ito.