-- Advertisements --

Tulong ng pamahalaan sa paghahanda sa SEA Games, ‘di tinanggihan ng PHISGOC – Cayetano

Nilinaw ngayon ni Speaker Alan Peter Cayetano na hindi tinanggihan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ang tulong mula sa anumang government agency.

Ginawa ito ni Cayetano bilang sagot sa report na umano’y tinanggihan ng PHISGOC ang tulong na inaalok ng ilang government agencies sa paghahanda ng bansa sa pag-host sa ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games.

Sa ambush interview sa San Juan City, sinabi ni Cayetano, chairman ng PHISGOC, na ang kanilang tinanggihan ay pondo ng pamahalaan at hindi suporta mula sa iba’t ibang ahensya.

Iginiit ng lider ng Kamara na sinadya nilang hindi tanggapin ang anumang government funds dahil inaasahan na nila ang backlash mula sa mga politiko na kukuwestiyon sa paggamit ng pera.

“PHISGOC did not want to handle a single centavo of government funds dahil alam na namin na ganyan ang magiging reaksyon nung mga pulitiko,” ani Cayetano.

Iginiit nito na wala siyang natanggap na kahit singko sa pagpapanguna sa paghahanda para sa SEA Games.

Dagdag pa nito, handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon na isasagawa kaugnay ng mga nangyaring aberya sa hosting ng naturang biennial event.