-- Advertisements --

Umapela ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga nakatataas sa kanila sa pamahalaan na ipagpatuloy lamang ang suporta at pamamahagi ng tulong sa sektor ng pangisda.

Sinabi sa Bombo Radyo ni information chief ng fisherfolk coordination unit ng BFAR Nazario Briguera na malaking bagay sa mga mangingisda kung patuloy na tatanggap ng tulong lalo na patungkol sa langis o ang tinatawag na fuel subsidy.

Sa katunayan, naglabas na aniya ang Department of Agriculture (DA) ng P250 million pantulong sa sektor ng pangisda partikular para sa fuel assistance lalo na sa municipal fisherfolks.

Saklaw aniya ng tulong na ito ang mahigit 79,000 mga mangingisda sa bansa.

Maliban sa fuel subsidy, sinabi ni Briguera na regular din ang programa ng kanilang tanggapan para sa pangkabuhayan o livelihood assistance program sa mga mangingisda.

Kabilang aniya rito ang isang programa, kung saan namamahagi sila ng environment friendly na teknolohiya sa pangingisda.

Nariyan din ang National Payao Program, o pagbibigay ng mga gamit pangisda o device na pang akit sa mga isda patungo sa isang permanenteng bahagi na lamang ng karagatan.

Sa ganitong paraan, nakatitipid ang mga mangingisda sa paggamit ng petrolyo sa kanilang bangka.

Hindi na kasi sila kailangan pang mamalaot nang malayo at mag ikot sa malawak na karagatan dahil sa isang lugar na lamang sila pupunta kung saan naroon ang mga isda na naipon dahil sa ginamit na device.