Bumuhos ang tulong sa mga pamilya ng biktima ng nasawi at nasugatan sa pamamaril sa isang supermarket sa Buffalo, New York.
Sinabi ni Buffalo Mayor Byron Brown, na kanilang inaayos ang mga tulong na ibibgay sa kaanak ng 10 biktimang nasawi at ang tatlong iba pa na nasugatan.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na nagmaneho pa ang suspek na si Payton Gendron mula Conklin, New York na may layong 200 milya patungo sa Buffalo, supermarket.
Nag-video pa ang suspek bago isagawa ang pamamaril sa mga biktima.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad na legal na nabili ng suspek ang nasabing AR-15 subalit kanilang tinitignan ay ang iligal nitong pag-modify gaya ng paglagay ng mas mahabang magazine. Sinabi ni Buffalo City Court Chief Judge Craig Hannah, na kinasuhan na nila ang suspek ng first-degree murder.
Naniniwala naman si New York Governor Kathy Hochul na maaaring pinag-aralan pa ng suspek ang lugar bago isinagawa ang pamamaril.
Malinaw aniyang isang uri ng ‘hate crimes’ ang nasabing insidente.
Nakakulong na ang suspek at patuloy naman na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad lalo na at nakakuha sila ng mga ebidensiya ng racially motiviated crimes.
Magugunitang pinasok ng suspek ang Tops Friendly Markets dakong alas-2:30 ng hapon at armado ito ng assault rifle at nakasuot ng heavy tactical gear.
Nakaipagpalitan pa ng putok ang guwardiya na si Aaron Salter na retiradong miyembro ng Buffalo Police Department.
Tiwala naman si Governor Hochul na mapipigilan na ng mga otoridad ang posibleng pagkaulit pa ng mga hate crimes sa kanilang lugar.