KORONADAL CITY – Pahirapan sa ngayon ang daan ng mga residente ng ilang barangay sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato matapos na sinira ng flash flood ang tulay sa bahagi ng Barangay Upper Maculan habang naitala naman ang landslide sa isang Sitio sa nabanggit na bayan.
Ito ang inihayag ni Lake Sebu Mayor Floro Gandam sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Mayor Gandam, dahil sa nangyaring flash flood dala ng malakas na pagbuhos ng ulan ay nasira at hindi madaanan ang Maculan bridge matapos na nagkabitak-bitak ang lupa at nagkaroon ng malapad na pagguho ng lupa sa magkabilang gilid ng Maculan river.
Maliban dito, may naitala ring landslide sa bahagi ng Barangay Lake Lahit kung saan natabunan ng malaking tipak ng bato ang daan na naging dahilan ng pagka-stranded ng mga motorista .
Agad namang inayos ng Municipal Engineering Office ang nasirang mga daan upang makadaan na ang mga residente dahil na rin sa pahirapan ang pagbaba ng kanilang mga produkto.
Napag-alaman na halos isang linggo na ring nakakaranas ng malakas na pagbuhos ng ulan ang nabanggit na bayan.