-- Advertisements --

Natalakay sa cabinet meeting ang pabahay at iba pang tulong sa mga matinding naapektuhan ng malakas na lindol sa Northern Luzon.

Pinangunahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan idinaos ito sa Malacanang.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Angeles na nagbigay ng status report kay Pangulong Marcos ang bagong pinuno ng Department of Human Settlement and Urban Development na si Sec. Gerry Acuzar hinggil sa pagtugon nito sa mga nawalan o nasiraan ng bahay dahil sa naturang kalamidad.

Gayundin, nag-ulat si Social Welfare Secretary Erwin Tulfo sa pangulo ng patuloy na ginagawang paghahatid tulong sa mga biktima ng lindol.

Maliban dito, sinabi ni Angeles na inilatag din ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang kanilang mga plano at programa sa punong ehekutibo.

Kabilang sa mga ito ang condonation para sa amortization fees at interest sa pagkakautang ng agrarian reform beneficiaries, pagbibigay ng credit assistance, legal na tulong para sa land disputes at pamamahagi ng mga makabagong makinang pambukid.

Naglatag naman ng kanilang mga plano sa pangulo ang Department of Energy (DoE) hinggil sa paggamit ng bansa ng renewable energy.