ILOILO CITY- Pinagalitan ni Department of Transportation Sec. Arthur Tugade si Land Transportation Office (LTO) Region 6 Assistant Director Engr. Arturo Apolinar.
Ito ay may kaugnayan sa reklamo ng mga myembro ng Public Safety and Transportation Management Office (PSTMO) na tinakbuhan ni Apolinar ang mga traffic enforcers kasunod ng kanyang traffic violation.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Tugade, sinabi nito na walang puwang sa ahensya ang mga kawani na arogante at umaabuso sa kanilang posisyon.
Ayon kay Tugade, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso ni Apolinar, na nasa preventive suspension sa ngayon, nararapat lang na tumabi-tabi muna ito.
Dagdag ni Tugade, kung ano man ang mangyari sa imbestigasyon at sa magiging kaparusahan kay Apolinar, kanyang itong ipapaabot sa LTO.
Napag-alaman ni hindi pinayagan sa Apolinar na pumasok sa venue ng isang dinner event para kay Tugade kasabay ng pagbisita ng kalihim sa Iloilo.