Nagbabala si US President Donald Trump na handa umano nitong ipakulong ang mga raliyista na umaatake sa estatwa ng mga prominenteng tao sa Estados Unidos.
Ito’y kasabay nang paghahanda ng 400 myembro ng National Guard Troops na protektahan ang mga monumento na nasa Washington, D.C.
Nangako si Trump na hanggang siya ang naka-upong presidente ng Amerika ay hindi nito hahayaang tuluyang sirain ng mga raliyista ang mga tanyag na estatwa ng bansa.
“Now they are looking at Jesus Christ, they are looking at George Washington, they are looking at Abraham Lincoln, Thomas Jefferson,” wika ng Republican president.
Posible ring maharap ng hanggang 10 taong pagkakakulong ang sinomang sangkot sa nasabing paninira.
Noong Lunes nang sirain ng mga raliyista ang estatwa ni dating US president Andrew Jackson na nakalagay sa labas ng White House dahilan upang hilingin ni Interior Secretary David Bernhardt ang pagpapadala ng National Guard troops.
Si Jackson ay dating slave owner na minamaltrato ang mga Native Americans.
Ang hakbang na ito ay para pigilan ang susunod pang pag-atake sa estatwa ng mga dating pangulo ng bansa, maging ang mga foreign at Ameerican war heroes.
Ipinag-utos din ni Bernhardt ang paglalagay ng harang sa mga lugar na malapit sa White House para protektahan ang public spaces kung saan kasama na rito ang Black Lives Matter Plaza.