Ganap nang naging bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa silangan ng Pilipinas at tinawag ito bilang tropical depression Goring.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 400 km sa silangan hilagang silangan ng Aparri, Cagayan o 405 km sa silangan ng Calayan, Cagayan.
Kumikilos ito nang pakanluran hilagang kanluran sa napakabagal na paggalaw.
May taglay itong lakas ng hangin na 55 kph at may pagbugsong 70 kph.
Wala pa namang nakataas na babala ng bagyo sa alinmang lugar sa ating bansa.
Gayunpaman, pinag-iingat pa rin ang lahat dahil sa mga pag-ulan na dala ng nasabing bagyo: inaasahan kasing magdadala ito ng malalakas na ulan sa Cagayan Valley na posibleng umabot hanggang Central at Southern Luzon.
Inaasahan ding palalakasin ng nasabing bagyo ang Habagat na una nang nakaka-apekto sa malaking bahagi ng bansa.
Ang habagat ay inaasahang makakaapekto naman sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Bukas ng umaga, inaasahang tutungo ang bagyo sa Extreme Northern Luzon, na posibleng magdudulot ng malalakas na hangin kayat paabiso sa mga mangingisda, asahan ang matataas na alon na posibleng umabot ng 1.5 hanggang 2.5meters ang taas.