Sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na maaaring si Senador Bong Go na ang susunod na maiisyuhan ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) kasunod ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Trillanes, nakatanggap umano siya ng impormasyon na may nakaambang warrant laban kay Go kaugnay ng kasong crimes against humanity, murder, at attempted murder.
Dagdag pa ng dating senador, maaaring umabot pa ng ilang buwan bago lumabas ang naturang warrant, depende sa proseso ng ICC.
Iginiit din niya na si Go ay iniuugnay sa umano’y insidente ng extrajudicial killings noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inireklamo si Go sa ICC dahil noong kasagsagan ng extrajudicial killings si Go umano ang nagbibigay ng reward sa bawat assassination bilang lider ng special operation group ng National Death Squad ni Duterte.
Bukod kay Go, sinabi rin ni Trillanes na posible ring maisyuhan ng ICC warrant ang dating hepe ng Philippine National Police na si Oscar Albayalde.
Bukas naman ang Bombo Radyo Philippines para sa panig nila Go at Albayalde hinggil sa mga alegasyon ni Trillanes.
















