-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang pahayag ni Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte na may inilabas nang arrest warrant ang International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Trillanes, wala pang inilalabas na warrant laban sa sinuman at nananatiling haka-haka lamang ang naturang impormasyon.

Sinabi ni Pulong Duterte na may “highly reliable source” umano siyang nagsabing may warrant na laban sa ilang personalidad, kabilang si Senador Christopher “Bong” Go.

Ngunit agad itong pinabulaanan ni Trillanes at ng mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP), na nagsabing wala silang natatanggap na anumang opisyal na komunikasyon mula sa ICC.

Batay sa pinakahuling ulat ng ICC, patuloy pa rin ang imbestigasyon kaugnay ng war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit wala pang inilalabas na arrest warrant.

Sa datos ng Human Rights Watch, tinatayang mahigit 6,000 katao ang umano’y napatay sa mga operasyon kontra droga mula 2016 hanggang 2022, dahilan upang maging sentro ng imbestigasyon ng ICC ang Pilipinas.

Nanindigan si Trillanes na dapat manatiling nakabatay sa opisyal na datos at komunikasyon mula sa ICC upang maiwasan ang maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko.

Dagdag pa niya, ang anumang hakbang ng ICC ay dadaan sa tamang proseso at hindi dapat pangunahan ng haka-haka.