CENTRAL MINDANAO – Patay on the spot ang isang tricycle driver sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Jodel Chris Talha Hierro, 32, may asawa at residente ng Purok 5, Brgy Kabulakan, Matalam, North Cotabato.

Ayon kay Matalam chief of police, Major Joseph Placer na habang namamasada ang biktima mula sa Brgy Poblacion patungong Barangay Kabulakan sa bayan ng Matalam, Cotabato.

Ngunit pagsapit ni Hierro sa National Highway sa Matalam-Antipas road sa Brgy Marbel, Matalam, Cotabato ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Tumagilid ang tricycle at nilapitan pa ito ng dalawang hindi kilalang tao na nag-aabang sa gilid ng kalsada, kung saan pinaputukan muli si Hierro.

Mabilis namang tumakas ang apat na suspek sakay ng dalawang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Matalam.

Agad na binawian ng buhay ang biktima nang magtamo ito ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Personal na atraso ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril sa biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.