DAVAO CITY – Nakakulong na ang isang tricycle driver na umamin sa pagpaslang sa dalawang pinsang babae ng kanyang misis na inilibing pa niya sa kanilang lugar sa Barangay Langub, nitong lungsod.

Nagpakilala ang suspek bilang si Mariano Bacus na boluntaryong isinuko ang sarili kay Barangay Kagawad Bernie Pepito.

Inihayag ng suspek na malaking pangangailangan ng pera ang nagtulak sa kanya na pagnakawan at paslangin ang mga pinsan ng kanyang misis sa magkaibang araw noong Pebrero 10 at 25.

Ayon kay Bacus, may P20,000 siyang utang kaya naisipan niyang patayin ang mga biktima at ninakaw ang mga cellphone nito.

Inihayag ni Police Chief Inspector Ronald Lao, hepe ng Talomo Police Station, na pinasakay sa tricycle ng suspek ang mga biktima at pinaslang sa magkaibang pagkakataon.

Isa sa mga biktima ay hinampas umano ng bato ng suspek, habang ang pangalawa ay inihulog sa bangin.

“Nakitang sumakay sa kanyang tricycle ang huling biktima dahil kanyang na text na papahiramin ng P500 na pera, ngunit sa bahay ng driver kukunin ang pera. Pagdating sa tagong lugar inihulog niya sa bangin. Kinuha ng suspek ang cellphone at ibininta bilang pambayad sa bahagi ng P20 libong pesong utang ng driver. Ang unang biktima ay hinataw ng bato ng suspek,” ani Pol. C/Insp. Ronald Lao, hepe ng Talomo Police Station

Kasong two counts of robbery with homicide ang kakaharapin ng suspek na nakakulong na sa Talomo Police Station.