Muling inapela ni Department of the Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. ang kaniyang panawagan sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa bansa na mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa pagpapadaan sa mga tricycle at pedicab sa national highways.
Ito ay sa gitna ng mga naitatalang aksidente sa kalsada ng mga kinauukulan na kinasasangkutan ng mga tricycle at pedicab tulad na lamang ng nangyaring insidente noong Pebrero 4, 2024 kung saan napaulat ang insidente ng banggaan ng isang tricycle at bus sa isang national highway sa Labo, Camarines Norte.
Batay kasi sa ulat mula sa Metro Manila Accident and Reporting System, noong taong 2022 lamang ay aabot na sa 2,829 na mga aksidente sa kalsadang kinasasangkutan ng mga bike, e-bike, at pedicab ang naitala.
Hiwalay pa rito ang nasa 2,241 na mga road accident na naitala sa kaparehong taon na kinabibilangan naman ng mga tricycle.
Kung maaalala, kamakailan lang ay naglabas ng memorandum circular 2023-195 ang DILG na naghihikayat sa lahat ng mga local chief executives na muling ibalik ang Tricycle Task Force para mai-update ang Tricycle Route Plan na kinabibilangan ng penal provisions para sa sinumang lalabag sa naturang kautusan.
Ngunit gayunpaman ay sinabi ng kalihim na marami pa ring mga lokal na pamahalaan sa bansa ang hindi ipinapatupad ang naturang regulasyon na kadalasang nagreresulta sa buhol-buhol na trapiko sa kalsada na minsa’y nagdudulot pa ng aksidente.
Paliwanag ni Sec. Abalos, bagama’t nagbibigay ng mas accessible at affordable na mode of transportation ang mga tricycle at pedicab ay mas prayoridad pa rin aniya ang kaligtasan ng mga tsuper at pasahero nito at maging ang iba pang mga gumagamit ng kalsada.
Ito ang dahilan kung bakit muling umaapela ngayon ang DILG sa mga lokal na pamahalaan sa bansa para sa mahigpit na pagpapatupad ng naturang regulasyon.
Samantala, sa kabilang banda naman ay pinuri ni Sec. Abalos ang munisipalidad ng San Mateo, Rizal sa pagtugon nito hinggil sa ipinatupad nitong pagbabawal sa mga e-bikes, tricycle at pedicab sa national highways na naging epektibo mula kahapon, Pebrero 5, 2024.