Muling ipinagpaliban ng Sandiganbayan ang pagdinig sa kasong plunder ni dating Sen. Jinggoy Estrada kaugnay ng pork barrel scam.
Ayon sa anti-graft court 5th Division, sanhi ito ng approval ni presiding judge Assoc. Justice Theresa Mendoza Arcega sa hiling ng prosekusyon na maghain ng supplemental comment sa supplemental motion ni Estrada sa unang mosyon nito.
Hiniling kasi ng dating mambabatas sa korte na hamunin ang mga ebidensya ng prosekusyon sa kanyang kaso.
Nakasaad sa supplemental motion ni Estrada na bigong ma-establish ng prosekusyon ang paratang na personal nitong tinanggap ang P183-milyon na kickback mula sa kapwa akusadong si Janet Lim-Napoles.
Iginiit din nito ang salaysay ng witness na Benhur Luy na nagsabing hindi totoong ito ang nagabot ng pera sa dating senador.
Ngayong araw sana nakatakda ang paghahain ng mga ebidensya ng kampo ni Jinggoy sa Sandiganbayan pero ni-reschedule ito sa August 5 kasabay ng kaso ni Napoles.