-- Advertisements --

Naniniwala umano si Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat na posible ring gawin sa Visayas at Mindanao ang “travel bubble program” na ipinapatupad ngayon sa Baguio City.

Ang “travel bubble” ay ginagawa sa mga lugar kung saan mababa ang naitatalang coronavirus cases.

Ayon sa kalihim, magfofocus ang kaniyang ahensya sa pag-promote ng domestic tourism sa taong 2021. Prayoridad aniya ng DOT ang panunumbalik ng urismo sa bansa upang mabigyan ng trabaho ang mga indibidwal na nawalan ng kabuhayan.

Dagdag pa nito na ang Baguio at Region 1 ang idinisenyo bilang pilot areas ng unti-unting pagbubukas ng turismo sa bansa sa pamamagitan ng 200 visitors per day.

Sa Setyembre 22 ay pangungunahan ni Puyat ang launching ng Ridge to Reef program ng Baguio kung saan papayagang bumisita sa tinaguriang “Summer Capital of the Philippines” ang mga naninirahan lamang sa Region 1.