-- Advertisements --

Isang linggo mula nang tumaas ang singil sa toll sa North Luzon Expressway (NLEX), patuloy pa rin ang reklamo ng maraming gumagamit dito sa lumalalang sitwasyon ng trapiko sa kahabaan ng expressway, lalo na kapag peak hours na mas maraming sasakyan ang dumadaan.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, dapat inudyok na muna ng Toll Regulatory Board (TRB) ang operator ng NLEX na tugunan ang problema sa trapiko sa kahabaan ng toll road bago ito pumayag na magtaas ng toll.

Sinabi pa ng senador na ang pumapalpak na electronic toll collection system ng NLEX Corporation ay isang sanhi din ng pagsisikip ng trapiko sa mga toll booth.

Dapat ding tiyakin, aniya, ng NLEX ang regular na pagpapanatili ng isang maayos at ligtas na expressway para sa kaginhawaan ng mga gumagamit ng daan.

Ipinatupad kamakailan ng NLEX ang provisional toll adjustment na karagdagang P7 sa open system nito para sa Class 1 na sasakyan tulad ng mga kotse, jeepney, van, o pickup mula Balintawak hanggang Marilao sa Bulacan.

May karagdagang toll fee naman na P17 para sa Class 2 na sasakyan tulad ng mga bus at light truck at karagdagang P19 para sa Class 3 na sasakyan tulad ng mga malalaki at mabibigat na trailer truck.

Sa closed system naman, nagbabayad na ngayon ang mga motorista ng karagdagang P26 para sa Class 1, P65 para sa Class 2, at P77 para sa Class 3 mula Marilao hanggang Sta. Ines sa Mabalacat, Pampanga.