-- Advertisements --

Suportado ng isang kongresista ang mga mungkahi na ipasagot sa pamahalaan ang gastos sa pagbiyahe ng mga produkto mula sa mga taniman patungong palengke para matulungan ang mga magsasaka sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa isang panayam, sinabi ni Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong na ang transport support na ito ay makakatulong hindi lamang sa mga magsasaka kundi maging sa transportation sector mismo.

Dahil kasi sa pagbagal ng ekonomiya, sinabi ni Ong na nagiging madalang na rin ang transportation ng mga goods mula sa probinsya papasok sa mga lungsod.

Bukod dito, maari rin aniyang pumili ang pamahalaan kung sa pamamagitan nang subsidies o discounts ang ibibigay sa mga magsasaka sa pag-transport ng kanilang mga produkto papunta sa mga palengke.

Kaugnay nito, binigyan diin ni Ong na mahalagang makipag-ugnayan o dayalogo sa mga magsasaka para malaman ng gobyerno kung ano ang mga kailangan na tulong ng mga ito.

Nauna nang naghain ng resolusyon si Quezon Rep. Alfred Vargas na nagpapatawag sa Department of Agriculture at Department of Interior and Local Government na dagdagan ang bilang ng Kadiwa rolling stores para matulungan ang mga Pilipino sa gitna nang pagtaas ng presyo ng pagkain.

Samantala, pinaiimbestigahan naman ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa kanyang inihaing resolusyon ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa at alamin o pag-aralan ang mga hakbang na tinatahak ng pamahalaan sa ngayon para tugunan ang problemang ito.