Pinuna ni Caloocan City Rep. Edgar Erice ang aniya’y kakulangan sa kahandaan ng pamahalaan pagdating sa public transportation.

Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development nitong umaga, tinukoy ni Erice na maraming ordinaryong mananakay ang nagdusa dahil sa hindi maayos na transport system.

Makalipas kasi aniya ang ilang buwan magmula nang ipinatupad ang lockdown noong Marso, sinabi ni Erice na walang malinaw na direksyon ang transportasyon sa Metro Manila.

Lumalabas aniya sa umiiral na transport strategy sa ngayon na mas pinapaburan ang mga mayayaman dahil mas marami ang bumabaybay na pribadong sasakyankaysa public utility vehicles sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Sinabi ni Erice na 83 percent ng mga commuters sa Metro Manila ay walang sariling sasakyan, at dahil sa kakulangan pa rin sa public transportation, napipilitan ang mga ito na maglakad o gumamit ng ibang alternatibo para makabiyahe papasok sa kanilang trabaho o papunta sa kanilang patutunguhan.

Binigyan diin ng kongresista na dapat sa ngayon ay mayroon nang pulidong plano para sa transportation sector hindi lamang para matulungan ang mga nagdurusang mananakay kundi maging ang mga tsuper at operators na ilang buwan ding walang kita dahil sa lockdown.