Nagbanta ang ilang transport groups na susunugin nila ang kanilang mga unit ng jeep bilang protesta sa hindi pa rin pagbabalik operasyon ng kanilang hanay dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Efren de Luna, ang national president ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), tila walang plano ang gobyerno na alisin ang ban sa mga jeepney dahil mas binibigyan umano nito ng prayoridad ang mga bus at modern public utility vehicles (PUVs).
Dagdag pa ng transport group leader, hindi patas ang tila pagpapaikot-ikot sa kanila ng pamahalaan.
Wala naman daw kasing problema sa kanila kahit ang panghuli ang hanay nila sa mga pababalikin sa lansangan.
Sa nakalipas na mga buwan, ilang jeepney driver ang napaulat na humihingi ng tulong sa lansangan dahil nawalan sila ng pangkabuhayan bunsod ng ipinatupad na community quarantine.
Ayon kay De Luna, ipagpapatuloy ng kanyang grupo ang paglaban para makaahon sa naging dulot ng pandemya.
Wala raw kasing pupuntahan ang kanilang sektor kung tuluyang iph-phase out ng gobyerno ang mga lumang model ng jeep.