Inutusan na ni Transportation Secreatary Vince Dizon ang revocation ng lisensya ng isang taxi driver at ang prangkisa ng operator nito matapos mag-viral nang paghingi ng driver ng P1,260 na pamasahe mula NAIA Terminal 3 patungong Terminal 2 na mayroon lamang na layong 8.4 kilometer.
Ayon kay Dizon, agad niyang ipinag-utos sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na kanselahin ang lisensya ng driver at prangkisa ng operator.
Sinabi niya na malamang alam ng operator ang ginagawa ng driver, at maraming mga ulat na tungkol sa ganitong insidente.
Nabatid na ang taxi ay nakarehistro sa isang Taxi Hub Transport. Ayon sa kanila, hindi pinapayagan ang kanilang mga driver na mangontrata ng isahang bayad.
Pinayuhan ni Dizon ang publiko na mag-report ng mga ganitong insidente at inirekomenda ang paggamit ng mga Transport Network Vehicle Services (TNVS) o ride-hailing apps upang maiwasan ang ganitong panloloko.