Naniniwala ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na mayroong “compelling legal basis” para magkaroon ng tranparecy ang gobyerno sa pagbili ng mga bakuna laban sa Coronavirus diease 2019 (COVID-19) kahit nasa ilalim ng public health emergency ang bansa dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Dahil dito kaisa si IBP president Domingo Egon Cayosa sa mga nagpapanawagan sa pamahalaan na magbigay ng impormasyon sa mga Pinoy kaugnay ng mga bakunang nais bilhin ng gobyerno.
Mahalaga raw ito para maging makatotohanan ang hakbang ng pamahalaan at maalis ang duda sa taumbayan.
Maliban dito, isa rin umano itong paraan para masagot ng pamahalaan ang mga proganda, mapababa ang political posturing at para masawata na rin ang korupsiyon sa pamahalaan.
Magiging daan din umano ito sa pag-promote ng accountability, pagkakaisa at ang panunumbalik ng tiwala ng taumbayan sa gobyerno.
“Transparency is helpful in establishing facts, dispelling doubts and suspicions, countering propaganda, minimizing political posturing, curbing corruption, promoting accountability, nurturing cooperation, and in enhancing trust in our country’s governance,” ani Cayosa sa isang statement.
Ipinunto ni Cayosa na sa ilalim ng Article II, Section 28 at Article III, Section 7 ng 1987 Constitution kailangan daw ng taumbayan na malaman ang mga transaksiyon na pinapasok ng pamahalaan.
Sinabi pa ni Cayosa na may interpretation din ang Supreme Court (SC) sa naturang probisyon at ito ay para raw ma-promote ang transparency sa policy making at ang mga operasyon ng gobyerno maging ang pagbibigay sa mga tao ng sapat na impormasyon.
Dagdag ni Cayosa, pinirmahan din umano ng Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order kaugnay ng freedom of information noong 2016 na kinikilala ang legal presumption pabor sa access to information, public records at official records.
“There is compelling legal basis for transparency, even under the COVID-19 emergency. It is good to let the people know more about the COVID-19 vaccines, the decisions to be made for them, and the public funds therefor. A well-informed citizenry will ‘heal as one,’ better and faster,” dagdag nito.
Una rito, umani ng kaliwa’t kanang batikos ang ilang government officials na incharge sa pagbili ng COVID-19 vaccines para sa Pilipinas dahil pa rin sa isyu ng transparency sa gitna ng mga katanunga kaugnay sa presyo at efficacy ng mga bibilhing bakuna.
Pero binigyang diin ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr na patuloy ang negosasyon ng pamahalaan para sa “best price” ng mga bakuna.
Gayunman, hindi pa isinasapubliko ng gobyerno ang actual price dahil sa confidentiality agreement sa mga manufacturer.