-- Advertisements --

Ipinagpaliban muna ang transition talks sa pagitan ng outgoing Duterte administration at kampo ni presumptive President Ferdinand Marcos Jr. at gagawin na lamang ito pagkatapos na ng proklamasyon.

Sa susunod na linggo pa lamang kasi sisimulan ng kongreso ang canvassing sa presidential at vice presidential elections.
Una nang tinaya ng ilang mga lider na Kongreso na posibleng sa Mayo 27 ay makapagproklama na sila ng mga mananalo.

Kinumpirma naman ng spokesman ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na nagkausap na sila ni Executive Secretary Salvador Medialdea at ito raw ang kanilang napagkasunduan.

Samantala, humingi rin naman ng paumanhin si Rodriguez sa mga lumutang na pangalan at nakaladkad na umano’y mga posibleng maging cabinet member ng Marcos administration.

Ayon sa tagapagsalita nagpapatuloy pa ngayon ang selection process at wala pa silang inilalabas na listahan.

Liban nito, ingat na ingat din umano ang susunod na pangulo sa pagpili ng mga miyembro ng economic team na masyadong kritikal dahil ito ang inaabangan lalo na at umiiral pa ang krisis sa pandemya at sa ekonomiya.