Magpapagaan sa trapiko ng Maynila ang pagbubukas ng unang seksyon ng North Luzon Expressway (NLEX)-South Luzon Expressway (SLEX) Connector Road Project, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Secretary Manuel Bonoan na ang 5.15 kilometer na kalsada ay mula sa C-3 Road sa Caloocan City hanggang Maynila.
Sa partikular, tinukoy ni Bonoan na ang pagbubukas ng kalsada ay kapansin-pansing magpapaganda sa daloy ng trapiko sa mga kalsada ng Maynila ng España Boulevard, Abad Santos Avenue, Rizal Avenue, at Lacson Avenue.
Inihayag din ni Bonoan na ang mga civil works para sa ikalawa at huling section ng nasabing road connector ay kasalukuyang nasa 42 percent na.
Kapag nakumpleto aniya, ang humigit-kumulang walong kilometro, apat na lane na toll road ay magsisilbi sa humigit-kumulang 35,000 motorista araw-araw, na magdudugtong sa pamamagitan ng C-3 Road sa Caloocan City at Skyway Stage 3 sa Sta. Mesa, Maynila.
Ang P23.2 billion North Luzon Expressway (NLEX)-South Luzon Expressway (SLEX) Connector Road ay isang joint implementation project ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) Program.