-- Advertisements --

Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maaari pa ring mamasada ang mga tradisyunal na dyip sa kanilang mga ruta pagkatapos ng deadline sa pinalawig na franchise consolidation sa Abril 30 basta’t nakapag-consolidate ang mga tsuper sa isang kooperatiba o korporasyon.

Subalit ang mga hindi pa nakapag-consolidate hanggang Abril 30 ay hindi na papayagan pang mamasada.

Sinabi din ni LTFRB Atty. Mercy Leynes sa pagdinig ng Committee on Transportation na ito ang kasalukuyang polisiya ng LTFRB kasabay ng patuloy na motu propio inquiry ng House panel sa pagpapatupad ng PUV Modernization Program.

Kinuwestyon naman ni Committee chairperson at Antipolo 2nd district Rep. Romeo Acop ang logic sa likod ng bagong polisiya.

Ipinunto ng mambabatas na kapag ang nag-consolidate na traditional jeepneys ay awtorisado pa rin na tumakbo pagkatapos ng Abril 30, maaari aniya itong ma-intepret bilang ‘gentle coercion’ o pamimilit sa mga tsuper at operator para mapwersa silang sumunod sa PUVMP.

Bunsod din aniya ng inisyung administrative orders, napipilitan ang mga tsuper at operator na mag-consolidate dahil kung hindi, pagkatapos ng Abil 30 ay hindi na sila pwedeng maghanapbuhay.

Samantala, ipinunto naman ni Department of Transportation Sec. Jaime Bautista na ang pangunahing layunin naman ng consolidation ng mga prangkisa ay para magbigay ng mas magandang serbisyo para sa mga mananakay.

Matatandaan na pinalawig pa ni Pangulong Bongbong Marcos ang deadline ng frachise consolidation mula Dec. 31, 2023 hanggang Abril 30, 2024 para bigyan ng pagkakataon ang mga nais na mag-consolidate pa subalit nabigo sa nakalipas na deadline.