-- Advertisements --

Iginiit ni Senator Joel Villanueva na dapat maglatag ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pangmatagalang programa para sa trabaho, edukasyon at paglaban sa gutom, sa halip na mga pangakong walang konkretong direksyon.

Ayon kay Villanueva, inaasahan ng mga Pilipino na matugunan ng administrasyon ang mga pangunahing suliranin tulad ng kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kahirapan at mga hamon sa sektor ng edukasyon.

Binigyang-diin ng senador na ang pinakamahusay na programa laban sa kahirapan ay ang pagkakaroon ng disenteng trabaho, habang ang pinakamabisang paraan upang malabanan ang gutom ay ang paglikha ng sapat na oportunidad sa hanapbuhay para sa mga nais magtrabaho.

Kasabay nito, sinabi ni Villanueva na dapat ding tutukan ng pamahalaan ang pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon, kabilang ang pagtugon sa kakulangan ng silid-aralan, mababang antas ng literacy, at mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.

Iginiit din ng senador na patuloy niyang isusulong ang mga panukalang batas na magpapalakas sa edukasyon at paglikha ng trabaho, at susuportahan ang mga prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Para kay Villanueva, ang sukatan ng tagumpay ng SONA ay kung makapagbibigay ito ng mas maraming trabaho, makatutulong na maibsan ang gutom, at makapagbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa bawat batang Pilipino.