Nanawagan si Senate Labor Committee Chair Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) na maglatag ng pansamantalang programa para sa minimum wage earners habang nakabinbin sa korte ang pagpapatupad ng P85 wage hike sa Metro Manila.
Ayon kay Villanueva, hindi dapat higit na maipit ang mga manggagawa habang nililinaw ang mga usaping legal kaugnay ng wage order, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at krudo.
Giit ng senador, lubos nang kailangan ng mga manggagawa ang dagdag-sahod dahil hindi na umano sapat ang kasalukuyang minimum wage para sa disenteng pamumuhay.
Kasabay nito, ipinahayag ni Villanueva ang suporta sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) at Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR sa kanilang paghingi ng kaukulang remedyo sa Office of the Solicitor General.
Binigyang-diin niyang dapat manaig ang tripartite wage-setting mechanism na nilikha sa ilalim ng Republic Act No. 6727, sa halip na mauwi sa mahabang proseso sa korte ang usapin ng pagtatakda ng sahod.
Ayon kay Villanueva, ang wage hike ay dapat pinag-uusapan sa pagitan ng manggagawa, management at gobyerno batay sa aktuwal na pangangailangan, at hindi dapat maantala dahil sa paglilitis.
















