KALIBO, AKLAN – Nasa bingit na ng pagbagsak at pagkabangkarote ang mga negosyo sa isla ng Boracay dahil sa patuloy na pagbagsak ng turismo dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ang sentimyento ng Philippine Chamber of Commerce and Industry-Boracay (PCCI-Boracay), Compliance Association of Boracay at Boracay Water Sports Association sa kanilang sulat kay Aklan Gov. Florencio Miraflores.
Bumagsak na anila ang turismo at biyahe sa nasabing isla, kung saan, ilan sa mga establisimento ay pansamantalang nagsara.
Hindi umano sapat ang lokal na turista upang makabangon ang ekonomiya sa Boracay.
Batay sa datus ng Malay municipal tourism office, simula ng buksan ang isla sa mga turistang taga-Western Visayas noong Hunyo 16 hanggang Agosto 13, umabot lamang sa 1,303 ang mga bisitang pumasok na karamihan ay nagmula sa Iloilo.
Bago ang pandemya, 3,000 hanggang 5,000 na turista bawat araw ang pumapasok sa isla.
Sa ngayon, wala pang positibong kaso ng COVID-19 sa Boracay.
Dahil dito, umaasa ang mga negosyante na payagan ng Boracay Inter-Agency Task Force ang kanilang hiling na payagang makapasok sa isla ang mga turistang nagmula sa mga bansang may kaunti o wala nang kaso ng COVID-19 upang makabangon ang local tourism industry.