Pinasasailalim sa lifestyle check ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat ang lahat ng opisyal at kawani ng Department of Tourism (DOT).
Ayon kay Puyat, boluntaryong niyang tinawag ang pansin ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) bilang tugon sa kampanya ng pamahalaan kontra korupsyon.
Bukod sa mga assistant at undersecretary, handa rin daw ang kalihim na ipasilip sa PACC ang kanyang mga aktibidad at transaksyon habang nakaupo sa pwesto.
“Not only do I submit myself, I also bring with me the DOT’s officials, as we fully submit ourselves to the lifestyle check of the PACC.”
“This is our way of sending the message across that the DOT is one with the administration’s anti-corruption drive.”
Kung maaalala, nasangkot sa kabi-kabilang kontrobersya ang termino ng pinalitan ni Puyat na si dating Tourism Sec. Wanda Teo.
Bukod sa kwestyonableng paggamit ng P80-million na pondo ng Tourism Promotions Board noon, pinag-usapan din ang umano’y conflict of interest ni Teo sa kanyang mga kapatid na Tulfo dahil sa P60-million advertisement deal.
Una ng inamin ni PACC chairman Greco Belgica na nagla-lifestyle check ang kanyang tanggapan sa lahat ng government officials kabilang na ang dalawang miyembro ng gabinete.
Kabilang sa mga sinusuri ngayon ng komisyon ang: PCSO, Bureau of Customs, BIR, DPWH, DENR at Department of Transportation.