-- Advertisements --

Nagbabala si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na mauwi sa total foreign control ang ilang mahahalagang sektor sa bansa sa oras na maaprubahan ang panukalang batas na aamiyenda sa Public Service Act (PSA).

Pinapahintulutan kasi ng House Bill 78 ang full ownership sa media entities, railways transport system, telecommunications at iba pa.

Ayon kay Brosas, “sinasagad ng rehimeng Duterte and pagbebenta sa halos lahat ng serbisyo publiko sa malalaking dayuhang negosyante sa ilalim nitong amiyenda sa PSA.”

Kulang na lamang aniya na tahasang ipamigay ng Duterte administration ang mga lupain at lahat ng serbisyong dapat ay nasa kontrol naman ng gobyerno.

Sinabi ni Brosas na maituturing ang PSA bilang “economic Charter Change” ng administrasyon dahil hangad lamang nitong buksan ang bansa para sa full ownership sa lahat ng public services at utilities maliban na lamang sa power at water.

Kagimbal-gimbal aniya ang magiging epekto ng panukalang ito kaya dapat masusing maikonsidera ng Kamara ang agam-agam at pagtutol dito.