-- Advertisements --
PBBMalaysia

Nakatakdang bibisita dito sa Pilipinas ang Speaker ng National Assembly of the Republic of Korea na si Kim Jin Pyo.

Inaasahang darating bukas, July 23, at magtatagal ito hanggang July 25.

Batay sa kalatas na inilabas ng Korean Cultural Center in the Philippines (KCC), ang pagbisita ni Kim sa bansa ay upang mapalakas pa lalo ang ugnayan ng Pilipinas at South Korea.

Nakasaad din dito na nais ng South Korea na lalo pang patatagin ang economic partnership sa pamamagitan ng iba’t-ibang sektor, katulad ng enerhiya, imprastraktura, at ang ugnayang militar.

Maalalang una nang sinabi ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na sa kasalukuyan ay may 21 malalaking proyekto na pinondohan ng South Korea dito sa bansa.

Ang pinakahuli dito ay ang Samar Pacific Coastal Road (SPCR) sa Northern Samar na kamakailan lamang ay binuksan sa publiko, sa pangunguna ni Pang. Marcos.

Nauna na ring sinabi ni PBBM na matagal na ang pagkakaibigan ng Pilipinas at South Korea, at umaasa ito lalo pa itong titibay.