LEGAZPI CITY – Pansamantalang mananatili sa mga itatayong temporary learning spaces (TLS) ang mga mag-aaral sa Bicol na naapektuhan ng Bagyong Tisoy sa pagbabalik-eskwela sa Enero 6 matapos ang Christmas break.

Ayon kay DepEd-Bicol Director Gilbert Sadsad sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, walang delay sa balik-eskwela na mangyayari upang hindi na mag-extend pa ng klase sa Abril.

Magtatayo sa komunidad ng mga bagong TLS sa tulong ng mga magulang at guro, dahil karamihan sa mga ito ang sinira rin ng bagyo.

Magpapatupad rin ng “double shifting” sa pasok ng mga mag-aaral dahil na rin sa kakulangan ng classrooms habang wala pang alokasyon sa ibang nasira ng bagyo.

Pagsasabayin na rin ang ilang sections sa isang silid-aralan at magtatakda ng pasok sa umaga at hapon.