-- Advertisements --

Ibinunyag ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. umano mismo ang nag-apruba ng 3,700 proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagkakahalaga ng ₱214.4 bilyon mula sa tinatawag na unprogrammed appropriations o pondo na wala sa nakasaad na budget ng gobyerno.

Iinihayag ito ni Tinio sa budget deliberation ng Office of the President sa plenaryo ng Kamara kaninang umaga.

Sinabi ni Tinio, batay sa opisyal na datos, ₱61.4 bilyon ang ginastos noong 2023 at ₱153 bilyon ngayong 2024 para sa mga proyektong tulad ng flood control, kalsada, at multi-purpose buildings.

Iginiit ni Tinio na batay sa batas, ang ganitong mga proyekto ay kailangang aprobahan ng Pangulo. Dito, kinumpirma sa pagdinig na si Marcos Jr. nga ang pumirma para mapondohan ang lahat ng proyekto.

Sinabi rin niya na karamihan sa mga proyektong ito ay napunta sa mga lugar na matagal nang may isyu ng katiwalian sa flood control projects.

Tinuligsa rin niya ang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na wala silang kinalaman sa mga proyektong ito, gayong ang pag-apruba ay kailangan mismo ng Pangulo.