Isinusulong ng ilang mambabatas sa Kamara ang panukalang batas para maging mabilis ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga itinuturing na persons in crisis situation.
Sa panukala nina Tingog Party-list Representatives Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre, layon nito na agad maibigay ang quartery medical assistance na P1,000 sa 150,000 individuals o pamilya na mga indigent, vulnerable at disadvantaged individuals.
Batay sa explanatory note ng House Bill No. 1940 na ayon sa 1987 Constitution ay inaatasan ang Estado na ‘palayain ang mga tao mula sa kahirapan sa pamamagitan ng mga patakarang nagbibigay ng sapat na serbisyong panlipunan.’ Upang itaguyod ito, ang panukalang batas na ito ay naglalayong i-institutionalize ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang House Bill (HB) No.1940 ay nakabinbin ngayon sa House Committee on Social Services.
Dagdag pa nina Romualdez at Acidre ang Assistance to Individuals in Crisis Situation ay isang social safety net para suportahan ang makabangon ang mga indibidwal o pamilya na nasa krisis na sitwasyon.
Nagbibigay din ito ng psychosocial intervention sa pamamagitan ng therapies at pinansiyal o material na tulong.
Iminumungkahi din sa naturang panukala na bumuo ng AICS Program gaya ng transportation assistance, medical assistance, burial assistance, education assistance, food assistance, cash assistance at psychosocial intervention.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang halaga ng transportation assistance ay naka base sa actual ticket quotation na maaaring ma avail isang beses sa isang taon.