LEGAZPI CITY – Malakas ang paniniwala ng PNP na ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng pamamaril patay sa isang tindero sa Sitio Medalla Brgy. San Vicente, Jovellar Albay.

Ayon kay Police Senior Inspector Millard Bongalon, hepe ng Jovellar Municipal Police sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, posibleng napagkamalan na asset ng government forces ang biktima na si Bobby Nuyda, 40-anyos batay na rin sa mga impormasyon na nakalap pulisya.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nagpapahinga ang biktima sa kanilang tahanan nang biglang dumating ang mga suspek at pinaulanan ito ng bala.

Malapitan aniyang pinaputukan ang biktima na nagtamo ng walong tama ng bala ng caliber 45 na agad nitong ikinamatay.

Dagdag pa ni Bongalon na hanggang sa kasalukuyan ay madalas pa rin ang sightings ng mga NPA sa naturang lugar subalit sinigurong binabantayan pa rin ng PNP ang iba pang anggulo sa naturang pamamaril.