CAUAYAN CITY – Umakyat na sa 46 ang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Region 2 matapos magpositibo ang isang locally stranded individual (LSI) sa Aurora, Isabela na mula sa Pasay City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Llexter Guzman, Health Education and Promotion Officer III ng Department of Healht (DoH) Region 2, sinabi niya na muling nakapagtala ang rehiyon kahapon ng panibagong kaso ng COVID-19 sa katauhan ng isang tatlumpu’t walong taong gulang na babae na mula sa Aurora, Isabela.
Siya ang 16 na kaso sa rehiyon.
Nakauwi siya mula sa Pasay City noong June 2 sakay ng bus na ginamit ng Balik Probinsiya Program at nakuhanan ng swab test noong June 16.
Lumabas kahapon ang resulta ng kanyang test at positibo sa virus.
Ayon kay Guzman, hindi pa nakauwi ang pasyente sa kanilang bahay dahil dumiretso siya sa quarantine area sa Aurora, Isabela.
Sa ngayon ay kasalukuyan pa lamang ang contact tracing para sa naturang pasyente.
Samantala, sinabi pa ni Ginoong Guzman na sa 46 na naitalang kaso sa rehiyon ay walo na lamang ang active na karamihan ay mga OFWs.
Ito ay matapos na makarekober na ang apat sa labindalawang pinakabagong kaso sa rehiyon na mula sa Cagayan.
Asymtomatc naman aniya silang lahat kaya walang masyadong dapat na ikabahala.
Idinagdag pa nito na nacontact trace na nila ang 227 direktang nakasalamuha ng mga naturang pasyente at 153 sa kanila ay nakuhanan na ng specimen at wala namang nagpositibo.