-- Advertisements --

Tiwala si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na kakayanin ng national team na talunin ang team New Zealand sa nagpapatuloy na 2025 FIBA Asia Cup sa Saudi Arabia.

Nakatakda ang laban sa pagitan ng dalawa mamayang alas-11 ng gabi (Aug. 7), oras sa Pilipinas.

Ayon kay Cone, kailangang iwaksi ng national team ang nilasap nitong pagkatalo sa kamay ng Chinese Taipei at mag-focus sa magiging laban nila sa Tall Blacks.

Giit ng batikang coach, kailangang siya mismo ang mangunguna sa naturang koponan dahil siya ang pinaka-apektado sa nalasap na pagkatalo.

Inihalimbawa ni Cone ang magandang performance ng Gilas na laging nangingibabaw sa tuwing ang kanilang nagiging kalaban ay isang magaling na team, tulad ng New Zealand.

Bagaman maiging mahirap aniya, tiwala itong mas magandang performance ang ipapakita ng Gilas players mamayang gabi.

Sa kasalukuyan ay hawak ng national team ang 0-1 win/loss record.

Gayonpaman, nanindigan si Cone na hindi pa rin naaalis ang kanilang target na gintong medalya sa pagsali sa naturang turneyo.

Nananatili rin aniya ang commitment ng mga player na maabot ito.