-- Advertisements --

Paiikliin ng Thailand sa 30 araw ang visa-free stay para sa mga turista mula sa mahigit 90 bansa at teritoryo, simula Setyembre 15, 2026.

Ayon sa Department of Consular Affairs sa Thailand, bahagi ito ng pagbabago sa visa exemptiom at Visa on Arrival schemes ng bansa.
Kabilang sa mga bansang maaapektuhan ng 30-day visa-free policy ang China, United States at 27 bansa sa European Union.

Sa kasalukuyang polisiya, maaaring manatili nang hanggang 60 araw sa Thailand nang walang visa ang mga mamamayan mula sa mahigit 90 bansa at teritoryo.

Sinabi naman ng Thai government na kabilang sa layunin ng pagbabago ang pagpigil sa pang-aabuso sa visa system at pagtugon sa mga isyung may kaugnayan sa mga dayuhang sangkot sa krimen sa bansa.

Kabilang sa mga naiulat na kaso ang mga paglabag na may kaugnayan sa droga, human trafficking, at pagpapatakbo ng ilang negosyo nang walang kaukulang permit.

Samantala, hindi lahat ay babawasan ang visa-free stay. Bibigyan ng hanggang 90 araw na visa-free stay ang mga turista mula Peru, Brazil at South Korea, mula sa dating 60 araw.

Maaari ring mag-apply ang mga turista para sa isang extension ng kanilang pananatili, ngunit nakadepende ito sa pagsusuri at pag-apruba ng immigration officer.

Ayon sa pinakahuling datos ng Thai authorities, umabot na sa 20.9 milyon ang foreign tourist arrivals sa Thailand mula Enero hanggang sa kasalukuyan, bagama’t mas mababa ito ng tatlong porsyento kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.

Nakatakdang magkakabisa ang mga binagong visa measures sa Setyembre 15, 2026.