-- Advertisements --


Ligtas ang lahat ng 44 na bata matapos pagbabarilin ng isang pulis ang kanyang asawang guro sa isang kindergarten sa Chonburi province, Thailand nitong Miyerkules.

Ayon sa awtoridad, ligtas na nailikas ang mga bata kasama ang tatlong guro at tatlong school staff matapos ang insidente sa Nong Pla Lai Municipal Kindergarten sa Bang Lamung district.

Batay sa ulat ng AFP, dumating sa paaralan ang suspek na isang pulis at kinausap ang kanyang asawa bago ito binaril. Hindi nasaksihan ng mga bata ang pamamaril dahil nangyari ito sa labas ng classroom.

Matapos ang insidente, umuwi ang suspek sa kanilang bahay kung saan siya pinaligiran ng mga pulis habang hinihikayat na sumuko.

Samantala, ipinag-utos ng gobernador ang pansamantalang pagsasara ng kindergarten at paglalaan ng psychological support para sa mga batang at staff na naapektuhan ng insidente. Hindi pa malinaw ang motibo sa pamamaril.