BAGUIO CITY – Ipinasiguro ng isang Igorot police officer ang pagiging patas nito sa mga atleta sa kanyang pagsisilbi bilang referee sa kickboxing competition na magde-debut sa nagpapatuloy na 2019 SEA Games na ginaganap dito sa bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Police Senior Master Seargent Dare Malecdan ng Itogon Municipal Police Station, ibinahagi niya noong Setyembre pa niya natanggap ang imbitasyon na magsilbing referee sa unang pagkakataon na maisasama ang kickboxing sa mga events ng biennial event.
Aniya, kasama niyang magsisilbing national technical officials sa kickboxing ang walo pang kickboxing coaches mula Baguio City, Benguet, Mountain Province at Ifugao.
Si Malecdan ay isang kickboxer at wushu sanda practitioner na nagsisilbing kickboxing coach ng isang unibersidad dito sa Baguio at kickboxing referee noon pang 1990s kung saan siya ay bronze medalist sa 4th World Wushu Championships at silver medalist sa isang wushu championship sa Myanmar.
Sinabi niya na walang magiging isyu sa pagrereferee niya sa 2019 SEA Games kahit pa karamihan sa mga atleta ng bansa na sasabak sa nasabing event ay mga taga-Cordillera.
Magiging pinakabigat aniya na kalaban ng Team Pilipinas ang mga kickboxers ng Thailand at Vietnam.
Paliwanag ng phenomenal kickboxing coach, normal na sa mga atleta ng Thailand ang striking na mahalagang skills sa kickboxing habang mas malaki at nauuna sa international exposure sa kickboxing ang mga atleta ng Vietnam.
Gayunman, malaki ang kumpiyansa ni Malecdan na makakakuha ng gold medals ang mga kickboxers ng Team Pilipinas dahil nakatutuk sa mga ito ang mga coaches kasama na si Team Lakay head coach Mark Sangiao na kinuhang fight and striking coach ng mga nasabing atleta.
Naniniwala naman si Coach Sangiao na malaking bentahe sa mga atleta ng bansa ang kanilang mga karanasan sa iba’t ibang martial arts kung saan sila nagsimula.