Naniniwala si Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V na ang testimonya ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kukumpleto sa kuwento kung paano umano maling ginamit ang confidential funds ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Ayon kay Ortega, matatahi na ang buong katotohanan kung saan napunta ang pera na walang kalakip na resibo.
Nakatakdang tumestigo sina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio ukol sa mga sertipikasyong isinumite ng Department of Education (DepEd) noong si Duterte pa ang kalihim nito.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi trabaho ng mga sundalo ang humawak o mamahagi ng pondo kundi ang magbigay lamang ng seguridad.
Sinabi naman ni House impeachment team spokesperson Ace Barbers na mahalagang malaman kung bakit nadawit ang mga militar at kung ginamit lang ba sila ng mga politiko.
Nilinaw naman ni Barbers na hindi ang AFP ang pinatutunguhan ng paglilitis kundi ang pananagutan pa rin ng Bise Presidente sa maling paggamit at paglikida ng naturang pondo.










