Inihayag ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na nakabuo sila ng competency standards sa content creation, na magagamit ng mga training center nito bilang batayan para sa mga programang iaalok sa mga mag-aaral.
Iginiit ng TESDA na ang competency standards ay binuo kasama ang Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc. (KBP), at naglalayong ituro ang mga kasanayang kailangan para makagawa at mamahagi ng content sa social media.
Ang mga core competencies ay kinabibilangan ng paggawa ng mga konsepto para sa pag-post sa social media, paglikha ng content para sa naturang konsepto at kung paano ibahagi ang nasabing content.
Ayon kay TESDA secretary Suharto Mangudadatu, ang programa ay tutugon din sa pangangailangan para sa quality training na magtutulak sa mas maraming Pilipino na pumasok sa content creation, at magturo sa mga mag-aaral kung paano pagbutihin ang kalidad ng content na kanilang ina-upload sa mga platform.
Sa ilalim ng mandato, ang TESDA ay may tungkuling pangasiwaan at tutukan ang technical education at skills development. Pinagsasama nito ang mga tungkulin ng dating National Manpower and Youth Council, ang Bureau of Technical-Vocational Education ng Department of Education, Culture and Sports, at ang Office of Apprenticeship ng Department of Labor and Employment.