-- Advertisements --

Suportado ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang hakbang kaugnay sa pansamantalang pagsara sa mga turista ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.

Dahil dito, iminungkahi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipagpaliban sa ibang petsa ang PMA alumni homecoming sa darating sana na Pebrero 14 at 15.

Sa isang statement, sinabi ni Lorenzana na sinusuportahan niya ang desisyon ng PMA na isara muna sa mga turista ang kanilang kampo.

Alinsunod aniya ito sa desisyon ni Baguio Mayor Benjamin Magalong na magpatupad ng lockdown sa buong siyudad sa mga turista at bisita dahil sa sitwasyon sa novel coronavirus.

Kaya kung hindi aniya babaguhin ni Magalong ang pagbabawal sa mga bisita at turista sa Baguio bago mag-Pebrero 14, mas mabuti na ring iurong ang petsa ng PMA alumni homecoming.

Paliwanag ni Lorenzana, naangkop lang na iwasan ang mga posibleng sitwasyon kung saan malalagay sa peligro ang kaligtasan at kalusugan ng mga kadete, PMA alumni at kanilang mga pamilya.