Ipinasumite na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang roll-out plans ng lahat ng public telecommunications upang masiguro na tuluy-tuloy ang pagpapabilis sa internet speed at iba pang telco services ng bansa kahapon, Enero 20.
Sang-ayon ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang taon sa mga telcos na mapagbuti ang kanilang mga serbisyo.
Naipabatid na rin ng NTC sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na isusulong nito ang implementasyon ng mga nasabing roll-out plan mula Enero hanggang Hunyo, eksakto raw sa nalalapit na State of the Nations Address (SONA) ngayong taon ng Pangulong Duterte.
Magsasagawa rin ng buwanang pagpupulong ang NTC at DICT kasama ang mga telcos upang masigurong ginagawa ng mga ito ang kanilang mga isinumiteng roll-out plan.
Ang NTC at DICT ay tutulong sa telcos sa anumang kakaharaping problema sa implementasyon ng mga roll-out plan lalo na sa usaping ng “red tape.”
Sa kabila ng mga pagsubok na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, ang internet speed ng ating bansa ay patuloy na bumibilis sang-ayon sa ulat ng Ookla nitong nakaraang December 2020.
Sa halos 120 milyong speedtests na isinagawa sa ating bansa noong 2020 ay iniulat ng Ookla na 297.47 percent ang improvement sa ating internet average download speed sa fixed broadband at 202.41 percent naman para sa mobile broadband mula noong 2016 kung kalian nagsimula ang administrasyong Duterte.
Ang average download speed ng bansa para sa fixed broadband ay napabilis mula sa 7.91 Mbps noong Hulyo 2016 na naging 31.44 Mbps noong Disyembre 2020.
Ang average download speed para sa mobile broadband ay bumilis din mula sa 7.44 Mbps noong Hulyo 2016 ay naging 22.50 Mbps noong Disyembre ng nakaraang taon.
Ang ikatlong major telco player na DITO ay handa na para sa commercial launch nito sa Marso kaya ang Globe at Smart ay tinaasan naman nila ang kanilang capital expenditure- ang Globe ay tutustos ng P90 bilyon samantalang ang Smart naman ay naglaan ng P92 bilyon para sa lamang ngayong 2021.
Plano rin ng DITO na higitan ang Globe at Smart matapos nitong gumugol ng P150 bilyon noong 2020 sa kanilang infrastructure roll-out kagaya ng pagtatayo ng mga cell tower.
Ang pagtatayo ng mga karagdagang cell tower ay kinakailangan upang maging competitive globally pa lalo ang internet speed ng Pilipinas.