Tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na kanilang sinusunod ang direktiba ng pamahalaan na madaliin ang pagproseso at pag-apruba sa mga permits ng telecommunication companies.
Sa isinagawang ulat sa bayan ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, ibinalita ni Año na aabot na ng 1,171 telco permits ang inaprubahan ng DILG at 428 pending applications na lamang ang natitira.
Ayon pa kay Año, wala na raw magiging dahilan ang mga telcos na sabihing nahihirapan sila sa pagtatayo ng mga towers dahil mayroon ng probisyon sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 patungkol sa automatic rollout ng mga telcos.
Pinakinggan din aniya nila ang utos ng presidente sa pagbibigay ng permit para naman sa pagtatayo ng Pasig Telecom Tower Infrastructure. Tinanggal na rin daw nila ang lahat ng requirements bukod sa building permit at height clearance permit.
Sa oras na ma-comply ng mga telecommunication companies ang kinakailangang permit ay automatuc na rin ang pag-apruba ng kanilang tower hanggang tatlong taon.
Una rito ay ipinag-utos ng Malacañang sa lokal na gobyerno na bilisan ang pag-aksyon sa telco permits. Dati ay inaabot ng tatlong buwan ang pagbibigay ng naturang permit ngunit ngayon ay tatlong araw na lamang ang kailang nilang hintayin.
“Automatic po pag mag-comply ‘yong permit, approve na po and this will go on up to the next three years so I don’t think may reason pa po ang ating mga telcos na sabihing nahihirapan sila,” saad ni Año.