Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) na hindi na makababalik sa Pilipinas ang isang Korean national na sangkot sa multi-million telecommuncations fraud case sa kanilang bansa.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na agad nilang ipade-deport ang suspek na si Lee Won Ho, 33-anyos na wanted sa Seoul dahil sa naturang kaso.
Ilalagay na rin ito sa immigration blacklist para hindi na muling makabalik sa bansa.
Itinuturing ang suspek na high-ranking member ng tinatawag na Minju Family, isang big-time telecom fraud syndicate na sinasabing nag-o-operate sa Manila.
Ang suspek ay nakakulimbat daw ng $21 million o katumbas ng mahigit P1.240-B mula sa kanilang mga biktimang taga Koreano na naka-base sa ibang bansa.
Sa report kay Tansingco, sinabi ng fugitive search unit (FSU) na naaresto ang suspek sa kanyang tirahan sa BF Tahanan Village, Parañaque City.
Ang mga operatiba ng FSU ay armado ng warrant of deportation na inisyu bilang pagsunod sa summary deportation order na inisyu ng board of commissioners laban sa Korean apat na taon na ang nakararaan.
Sinabi ni Tansingco na isang undesirable alien ang suspek na nagsisilbing mapanganib at nagdadala ng serious risk sa public interest.
Una rito, sinabi ni BI-FSU acting chief Rendell Ryan Sy na ang Korean ay mayroong arrest warrant na inisyu ng Incheon district court sa Seoul, Korea.
Dito nahatulan ang suspek dahil sa Fraud at ni-revoke na rin ang kanyang pasaporte.
Nakaditine ang suspek sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportation documents pabalik ng South Korea.