Nakatakdang bumuo ang pamahalaan ng mga programa at polisiya na inaasahang tutugon sa teenage pregnancies sa bansa.
Ito ay bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy o mga kababaihang nabubuntis kahit na nasa murang edad pa lamang sila.
Batay sa datus ng Commission on Population and Development (CPD), noong 2021 ay naitala ang 2,300 na bilang ng mga nabuntis na kabataang may edad 10 hanggang 14.
Mas mataas ito kumpara sa 2,000 kaso na naitala bago ang pagpasok ng pandemiya.
Ayon kay CPD Deputy Executive Director Lolito R. Tacardon, bagaman mababa lamang ang naturang bilang kumpara sa buong populasyon ng Pilipinas, kailangan nang matugunan ang teenage pregnancy dahil sa banta nito sa kalusugan at buhay ng mga kababaihan.
Ito ay maliban pa sa long-term effect na idudulot nito sa buhay ng mga kababaihan.
Sa panig ng pamahalaan, sinabi ni Undersecretary for Population and Development Lisa Grace Bersales na ang pagkakatatag ng Adolescent Pregnancy Prevention Inter-Agency Council (APPIAC) ay inaasahang tutugon sa mga natukoy na problema sa ilalim ng teenage pregnancy.
Ito ay binubuo ng ibat ibang mga ahensiya na siyang inaasahang magbibigay ng tugon sa naturang problema.
Bubuuin ito ng Department of Health (DOH) na siyang tututok sa kabuuang kalusugan ng mga batang magulang, at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nabigyan ng tungkulingi-monitor ang kanilang social status.
Tungkulin naman ng Department of Education (DepEd) na isailalim ang mga kabataan sa Comprehensive Sexual Education, na bahagi ng long-term solution, habang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ay naatasang i-monitor ang partisipasyon ng mga LGU sa naturang programa.