-- Advertisements --

Naka-full alert na ang Philippine National Police (PNP) bilang paghahanda sa tatlong araw na rally simula bukas, Linggo, Nobiyembre 16.

Ayon sa PNP, epektibo nitong hapon ng Biyernes, pinakilos na ang mga kapulisan sa buong bansa para tiyakin ang kahandaan.

Ngayong araw ng Sabado, inisyal nang ideploy ang ilang kapulisan at sa pagsisimula ng rally bukas, nakaposisyon na ang buong pwersa ng PNP sa ground.

Ipapakalat ang mga police unit sa mga estratehikong lokasyon sa Metro Manila na pagdarausan ng rally, habang ang mga regional office naman ng PNP sa bansa ay naatasan na paigtingin ang security operations sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Sa isang statement, inihayag ni PNP chief PLt.Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na naka-activate na ang comprehensive security plan saklaw ang ground operations, pangangasiwa sa daloy ng trapiko, intelligence monitoring, emergency response kabilang ang maritime patrols.

Binigyang diin naman ng PNP chief na kanilang nirerespeto ang karapatan ng publiko na magsagawa ng mapayapang pagtitipon subalit hinikayat din ang mga dadalo sa rally na sundin ang mga safety reminders at makipagtulungan sa kapulisan na nasa ground upang mapanatili ang kalmado at mapayapang pagdaraos ng naturang rally.