-- Advertisements --
POPCOM teenage pregnancy

Nakitaan ng pagbaba ang bilang ng teenage pregnancy sa bansa noong taong 2021, ayon sa isang pag-aaral na inilabas ng University of the Philippines Population Institute.

Batay sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study, nasa 386,000 na mga kabataang babae na lamang na may edad mula 15 anyos hanggang 19 anyos ang nabubuntis, na may katumbas na 6.8% naman ng kabuuang bilang ng populasyon ng age group na ito.

Mas mababa ito ng 50% kumpara sa naging pag-aaral noong taong 2013, kung saan pumalo sa 13.6% ang teenage childbearing rate sa mga babaeng may edad na 15 hanggang 19 na taong gulang.

Sa kabuuan, tinatayang nasa 7.2% na mga batang babaeng kabilang sa naturang age group ang nagdalang tao noong nakaraang taon, mas mababa ito kumpara sa 14.4% na naitala sa isinagawang survey noong 2013.

Ibigsabihin, nasa 406,000 na mga babae ang nabuntis sa panahon na iyon, kung saan nasa 306,000 sa mga ito ang nakapanganak na, at 79,000 naman ang mga ipinagbubuntis pa lamang ang kanilang panganay na anak.

Bukod dito ay nakapagtala rin ang mga kinauukulan ng nasa humigit-kumulang 20,000 first time pregnancies na nagkaroon ng non-live birth o nalaglagan ng bata.