Yulo bombo mic
Caloy Yulo from Leveriza, Pasay City

Tulad ng inaasahan, hindi binigo ng teen gymnastics sensation na si Carlos Edriel Yulo ang mga supporters nito sa Day 1 pa lamang ng Southeast Asian (SEA) Games.

Ito’y matapos manguna sa artistic all around gymnastics na nangangahulugang sumalang ang 19-year-old Pinoy gymnast sa iba’t ibang gymnastics apparatus.

Kabilang dito ang floor exercise kung saan siya pinakadalubhasa, gayundin sa pommel horse, parallel bars, vault at iba pang kategorya.

Mas kilala bilang si Caloy, siya ang pinakaunang Pinoy na nakapagbulsa ng gintong medalya sa World Championship sa Germany kamakailan.

Gaganapin ang lahat ng gymnastics events sa Rizal Memorial Coliseum, kung saan una sa schedule ang artistic gymnastics simula nga ngayong December 1 hanggang December 4, rhythmic gymnastics sa Dec. 6 at 7, huli ang aerobics gymnastics sa Dec. 9.

Una nang naiulat na determinado ang tubong Pasay na si Caloy na mawalis ang lahat ng pitong events na kanyang lalahukan.